-- Advertisements --

Aminado si ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo na may butas ang batas para sa mga Solo parent kahit pa maganda ang layunin nito.

Sa isang statement, sinabi ng mambabatas na sa ilalim ng Expanded Solo Parent Act of 2022 dapat ay makatanggap ng buwanang allowance na P1,000 ang indigent single parents at diskwento sa ilang grocery items.

Subalit ibinahagi ng kongresista na kung hindi kulang, delayed o di naman kaya ay wala talagang naibibigay na buwanang allowance sa mga solo parents dahil ipinauubaya aniya ito sa pamahalaang lungsod o sa bayan kung saan sila nakatira.

Karamihan aniya sa mga lokal na pamahalaan ay hindi alam kung saan kukunin ang pondo para sa solo parents lalo na ang mga mahihirap na munisipyo. Maging ang commercial establishments aniya ay nagrereklamong malulugi dahil sa dami ng diskwento na kanilang ibinibigay sa senior citizen at PWDs subalit wala silang nakukuhang tulong mula sa pamahalaan.

Kayat ipinanukala ni Rep. Tulfo ang pagrepaso sa batas kung saan ang mga pondo na ibibigay para sa mahihirap na solo parents ay kukunin mula sa gobyerno. Maaalala na nauna na ring nagrekomenda ng isang panukalang batas ang mambabatas noong nakalipas na taon para sa pag-review sa naturang batas.