-- Advertisements --

DAVAO CITY – Kinumpirma ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio na humingi sa kanya ng tulong si Marinduque Representative Lord Allan Velasco para sa isyu ng speakership sa Kamara.

Sa kanyang official statement, ibinunyag ni Mayor Sara na personal na nakipagkita sa kanya si Velasco upang pag-usapan ang patungkol sa Hugpong ng Pagbabago.

Inihayag pa ng alkalde na sinabi sa kanya ni Velasco ang tungkol sa pagkakaroon ng isang speakership vote at hiningi ang kanyang tulong bilang chairman ng HNP lalo na sa boto ng tatlong mga kongresista ng Davao City na mga miyembro ng naturang partido.

Pero nilinaw ni Mayor Sara kay Velasco na itinatag ang HNP upang isulong at suportahan ang pagkaka-isa o unity, para sa pag-unlad ng Davao City at lalo na ang pagtulong sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dagdag pa ni Mayor Sara na nirerespeto ng HNP ang term-sharing agreement batay sa kautusan ni Pangulong Duterte noong nakaraang tao, at ang Presidential Proclamation 1027.

Una rito, kumalat sa social media ang larawan nila Mayor Sara at Velasco na sabay na kumain noong nakaraang gabi.