NAGA CITY – Inamin ni Camarines Sur 2nd District Representative na nakatanggap siya ng mensahe mula sa kanilang kasamahan sa House Representatives para sa isang pribadong pagpupulong kaugnay ng Speakership post.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Luis Raymund “LRay” Villafuerte, sinabi nito na siya mismo ay makakapagkumpirma sa bilihan ng boto para sa uupong House Speaker ng Mababang Kapulungan.
Ayon sa mambabatas, hindi na maitatago ang nasabing sistema lalo pa’t mismong mga congressman din ang nag-uusap usap at tila nagkakantiyawan pa sa bilihan ng boto.
Alam umano ni Villafuerte na may binibigay at nagpapirma pa at alam aniya ng mga kongresista kung sino ang nasa likod nito.
Napag-alaman na umaabot sa P500,000 hanggang P1 million ang iniaalok sa mga kongresista para lamang sa paghalal ng bagong House Speaker para sa 18th Congress.
Una rito, inamin ni dating House Speaker at re-elected Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang nangyayaring vote buying para lamang masungkit ang trono bilang lider ng Kamara.