-- Advertisements --

Binawi na ni Agri Partylist Rep. Wilbert Lee ang kaniyang certificate of candidacy (CoC) bilang kandidato sa pagka-senador.

Ginawa ni Lee ang anunsyo ngayong araw, besperas ng campaign period para sa National and Local Elections.

Ayon sa mambabatas, malapit na ang halalan ngunit marami pang lugar ang hindi na niya nararating para makausap ang mga mamamayan.

“Sa pag-iikot ko sa bansa, napagtanto ko na hindi pa talaga sapat ang makinarya na meron tayo ngayon para maabot ang lahat ng ating kababayan upang mapakilala at maipalam ang ating ipinaglalaban na adbokasiya,” wika ni Lee.

Aniya, kailangan pa sana ng mas mahabang panahon upang makapaghanda ng political machinery para sa ikatatampuay ng kampanya.

“Naging malinaw po ito para sa akin na kailangan pa ng mas mahabang panahon para mapatibay ang pakikipag-ugnayan natin sa kapwa nating Pilipino at maging sapat ang kahandaan at makinarya para sa matagumpay na kampanya,” dagdag pa ng kongresista.

Sa tanong naman ukol sa kaniyang kalusugan, nilinaw nito na wala siyang problema sa pangangatawan ngunit may mga bagay siyang ipinagdaramdam.

“Wala po. Okay po ako. Siguro meron lang po akong heartache ngayon,” pahayag pa ni Lee.

Gayunman, hindi na niya idinetalye ang ang sinasabing heartache at kung sino ang taong may kaugnayan dito.