BAGUIO CITY – Umapela si Benguet Caretaker Congressman Eric Go Yap kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ikonsidera o bawiin ang travel restrictions na ipinag-utos ng alkalde sa mga residente ng mga bayan ng La Trinidad, Sablan, Tuba at Tublay, (LISTT) area sa Benguet na papasok sa Baguio City.
Binanggit ng kongresista ang pagpayag ng mga lokal na pamahalaan ng Benguet na dumaan sa kani-kanilang mga lugar ang mga turistang magtutungo sa Baguio City nang muling binuksan ng lunsod ang sektor nito sa turismo.
Sinabi niya na sa kabilang banda, tumulong naman ang Baguio City at nagbigay ng isolation facilities nang biglang tumaas ang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Itogon, Benguet.
Dahil dito, naniniwala si Yap na itinuturing ng Benguet at Baguio City bilang pamilya ang isa’t isa at mayroong respeto at pagkakaisa.
Kaya naman, hiniling ng kongresista na muling pag-aralan o bawiin ang travel restrictions na ipinag-utos ni Magalong sa mga residente ng LISTT area na papasok sa Baguio City.
Iginiit ni Yap na hindi ito tutol sa istriktong paraan para maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19 ngunit sinabi niyang parehong minimithi ng Benguet at Baguio City na masugpo ang virus kaya’t kailangan ang sapat na pagplano para sa win-win solution.
Bago ang pahayag ng kongresista, marami ang umalma sa travel restrictions na inilabas ni Magalong.
Mariing tinututulan ito ng mga residente ng Benguet dahil ayon sa kanila, magiging karagdagang kalbaryo ang pagkuha ng mga requirements at dokumento lalo na sa mga manggagawa at magsasaka na kailangang magbiyahe patungo sa Baguio City.