-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Walang balak si ACT-CIS Rep. Eric Go Yap na magsampa ng kaso laban sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng Deparment of Health (DOH) sa kabila ng pagkakamali sa inilabas na resulta ng kanyang coronavirus disease 2019 (COVID-19) test.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni Yap na matapos aminin ng RITM ang nasabing pagkakamali ay agad niyang tinawagan ang pinuno ng ahensya na si Dr. Celia Carlos at inihayag na hindi niya ikinagalit ang nangyari.

Nauunawaan din aniya ang hirap na kinakaharap ngayon ng RITM dahil sa dami ng mga COVID test na ginagawa ng mga ito.

Dahil dito, ipinangako ng mambabatas na bilang chairman ng Committee on Appropriations ng Kamara ay tutulong siya sa paglalaan ng pondo para mapaganda pa ang mga pasilidad ng RITM.

Sinabi pa nito na imbes na magsampa ng kaso ay gugugulin na lamang niya ang kanyang pera at panahon sa pagbigay ng tulong sa mga kababayang biktima ng COVID pandemic.

Samantala, pinabulaanan din ni Rep. Yap ang isyu na nilabag niya ang protocol matapos dumalo sa mga pulong sa Kongreso kahit pa person under investigation (PUI) ito.

Giit niya, hindi siya kailanman naging PUI at person under monitoring dahil nagpa-COVID test lamang siya bilang precautionary measure nang makasalamuha niya si Transport Sec. Arthur Tugade na na-expose din sa indibidwal na nagpositibo sa virus.

Gayunman, dahil aniya wala siyang naramdamang sintomas noong Marso 15 ay nakapagtrabaho pa ito sa Kongreso.

Ibig sabihin aniya ay walang dahilan para masabing na-expose ito sa isang COVID carrier.

Giit pa ng kongresista, naging maingat ito at lumabas lamang ng magtrabaho noong Marso 16, 21 at 23 na aniya ay mahalagang trabaho para sa bayan.