Bukas umano si San Juan City Rep. Ronaldo Zamora na sumailalim sa imbestigasyon kaugnay sa kanyang pagbubulgar ng apat na beses na siyang nagpaturok ng COVID vaccines.
Una nang inamin kahapon ni Zamora na tumanggap siya ng Sinopharm vaccine pati ang ikalawang doses noong Disyembre.
Pagkalipas daw ng dalawang buwan ay tumanggap naman siya ng dalawa pang doses ng Pfizer vaccine bilang kanyang “booster shots.”
Sa ngayon daw ay maganda naman ang kanyang pakiramdam at wala naman siyang side effects.
Aniya, sasabihin lang naman daw niya ang totoo kung itutuloy man ang pag-alam sa kanyang pagpapabakuna ng apat na beses.
Ginawa raw niya ito batay na rin sa rekomendasyon ng kanyang doktor dahil sa kanyang kalusugan.
Sinabi na rin ng DOH na hindi pa pinapayagan sa bansa ang pagkakaroon ng booster shots bunsod na hindi pa sapat ang pag-aaral ukol dito.
Ang WHO naman ay pinuna ang mga bansang nagpaplano na bumili ng booster shots, samantalang marami pa ring mga mahihirap na bansa ang hindi pa nga nagpapabakuna kahit isang dose pa lang ng vaccine.