-- Advertisements --

BACOLOD CITY — Hinamon ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin na rin ang Mutual Defense Treaty (MDT) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) matapos na tuluyan nang kinansela ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Estados Unidos.

Ngunit nilinaw ng kongresista na dapat itong gawin ng Pangulo bilang pagpapakita ng paninindigan nito sa soberanya ng Pilipinas at hindi bilang paghihiganti sa ginawang pagkansela sa US visa ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon kay Zarate, dapat na isaalang-alang ni Duterte na ang mga nabanggit na kasunduan ay paglabag sa national sovereignty.

Dagdag pa nito na bago pa man umupo sa pwesto ang pangulo, matagal na nilang isinusulong na kanselahin na ang mga nasabing kasunduan.

Aniya, ang VFA, MDT at EDCA ay naging daan ng Amerika upang makialam sa bansa partikular na sa counterinsurgency operations at ginagawa lamang ng US na military base ang buong Pilipinas.