KALIBO, Aklan—Nakahinga na nang maluwag ang mga overseas Filipino workers na nakauwi ng ligtas sa Pilipinas mula sa bansang Lebanon.
Isa na rito si Bombo International Correspondent Emie Segayo, tubong Zamboanga Del Norte sa Mindanao at mahigit 15 taon na nagtrabaho sa nasabing bansa na nagsumikap na mapabilang sa mga repatriated OFW’s.
Maluha-luha nitong sinariwa ang naranasang trauma sa bawat mariring na mga putok, nagbagsakan na mga building, iyak ng kaniyang mga alaga at ugong ng mga sirena kung kaya’t gayon na lamang ang kaniyang pasasalamat sa Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, Philippine Embassy at Department of Foreign Affairs matapos na makasamang muli ang kaniyang pamilya.
Dagdag pa ni Segayo na kahit nasanay na siya sa mga putukan sa kaniyang pamamalagi sa nasabing bansa ay iba pa rin ang kaniyang pakiramdam nang salakayin na sila ng Israeli Defense Forces kung kaya’t kaagad siyang nagdesisyon na umuwi na nang Pilipinas dahil nakita mismo nito ang mga nagbagsakan na gusali at mga naipit na mga mamamayan.
Sa kasalukuyan ay sinusulit aniya ni Segayo ang kaniyang oras sa kaniyang mga kaanak at balak pa rin nitong mangibang bansa ngunit hindi na sa bansang Lebanon.