Inihahanda na ng Department of Migrant Workers katuwang ang kanilang Migrant Workers’ Office at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang repatriation ng mga pinalayang seafarers pabalik ng Pilipinas.
Matatandaan na pinalaya na ang walong (8) mga Pilipinong seafarers na nakadetena ng ilang araw sa Johor, bansang Malaysia ng Southern Malay Peninsula.
Ito ay matapos mabisita sila ng Department of Migrants Workers (DMW) nitong nakaraan at mailabas ang desisyon ng Prosecutor’s Office na siyang dahilan ng kanilang paglaya.
Sineguro naman ng DMW ang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya nito at tiniyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong manggagawa habang hindi pa tuluyang nakakauwing muli.
Pati ang pagbibigay tulogn pinansyal at iba pa ay kanila ring ibabahagi sa mga seafarers sa pamamagitan ng AKSYON Fund ng naturang kagawaran.
Ang pinalayang mga Pilipinong seafarers ay crew members ng vessel MT Krishna 1 at idinetena ng mga Royal Malaysian Police sa Kota Tinggi Police District Headquarters noon pang Abril 11, kasalukuyang taon.
Kaugnay rito, ang positibong ulat ng pagpapalaya ay inihayag mismo ni Labor Attaché Jocelyn Ortega ng Department of Migrant Workers-Migrant Workers’ Office (DMW-MWO) sa Malaysia kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac sa isang video call.
Kaya naman binigyang diin ng naturang kalihim ng kagawaran ang kanilang pakikiisa sa layon ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan ang karapatan at pangalagaan ang mga Overseas Filipino Workers sa ibang bansa.
Nataon na ang naturang pagpapalaya ay kasabay din ng paggunita at pagninilay sa kahalagahan ng Semana Santa kung saan inaalala ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
Alinsunod rito ang pagkilala rin ni Secretary Cacdac sa pamumuno at suporta ni Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at PHL Ambassador to Malaysia Maria Angela Ponce na siyang nanguna sa insiyatibong aksyon.