-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Inaayos na ang repatriation ng labi ng Pilipinong guro na namatay matapos maaksidente sa bansang Thailand.

Una nang nakilala ang biktima na si Joan Malawa Callueng, 42, isang guro sa Srisongkramwittaya School sa Loei, Thailand at residente ng Brgy. Cataggaman Viejo, Tuguegarao City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ng anak ni Callueng na si Christine Joy, 2nd year education student, lumabas ang ama kasama ang kanyang kaibigan madaling araw nitong June 2 lulan ng kani kaniyang motorsiklo.

Pagdating sa intersection ay huminto ang biktima nang mapansing naka-red ang traffic light.

Subalit sa hindi inaasahang pangyayari ay nabangga ito ng kanyang kaibigan na isang Thai na matulin ang pagpapatakbo.

Kaagad naman itong isinugod ng mga kaibigan sa hospital pero namatay habang nilalapatan ng lunas sa Intensive Care Unit (ICU).

Sinabi ng nakababatang Callueng na batay sa natanggap na impormasyon mula sa kasamahan ng kaniyang ama sa Thailand na nagtamo ng matinding fracture sa ulo ang biktima.

Wala umanong suot na helmet ang biktima ng mangyari ang aksidente.

Ayon sa kaniyang anak na ito na pangalawang beses na nadisgrasya ang biktima kung saan noong una ay nakaligtas siya at helmet lang niya ang nabasag.

Umapela naman ang mga kaanak ng biktima sa gobyerno na tulungan sila para sa mas mabilis na pagproseso ng pag-uwi sa kaniyang bangkay dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Napag-alaman na nasa Thailand ngayon ang maybahay ng Pinoy Teacher na si Imee, isa ring OFW sa Spain para ayusin ang repatriation ng mga labi ng biktima.

Nakatakda sanang magbakasyon sa Thailand si Christine Joy matapos siyang yayain ng kaniyang ama.

Dating tricycle driver sa Tuguegarao, taong 2015 nang magtungo sa Thailand si Callueng para magturo matapos niyang maipasa ang kaniyang LET noong 2012.