-- Advertisements --

Inaasahan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang posibilidad ng repatriation request mula sa mga Pilipinong apektado ng tumamang magnitude 7.7 na lindol.

Ayon kay DFA USec. Eduardo De Vega, may ilan na maaaring nawalan ng trabaho dahil sa lindol. Iniimbestigahan na rin aniya ito ng Embahada ng Pilipinas sa Yangon, Myanmar para mabigyan ng tugon ang kanilang kahilingan kung sakali para sa repatriation.

Siniguro din ng opisyal na sakali mang may mga Pilipinong nais na umuwi ng bansa kanila itong tutulungan gaya ng nangyari noong tumama ang malakas na lindol sa Türkiye noong 2023.

Aniya, ang mga ire-repatriate ay dadalhin muna sa Bangkok, Thailand dahil naapektuhan ng lindol ang mga paliparan sa Myanmar.

Sasailalim din ang mga ire-repatriate na mga Pilipino sa reintegration program ng gobyerno ng Pilipinas.

Sa ngayon, uunahin muna ng pamahalaan ang pag-account sa lahat ng mga Pilipinong nasa mga siyudad na tinamaan ng lindol gaya ng Mandalay, Napyidaw at Yangon.

Nauna ng napaulat na may apat na Pilipinong nawawala matapos ang tumamang lindol sa Myanmar.