Nakatakdang ma-repatriate ang isang dosenang Pilipino sa Lebanon sa Oktubre 3.
Ito ay matapos na hindi matuloy ang naunang schedule ng repatriation noong Setyembre 26 dahil sa pansamantalang suspensiyon ng ilang international airlines ng kanilang mga biyahe sa gitna ng nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng Israel at militanteng Hezbollah.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, sinabi din ni DMW Officer-in-Charge Felicitas Bay na inaareglo na rin nila ang 2 pang repatriation flights ng mga Pilipino.
Sa datos ng DMW, mahigit 500 Pilipino na sa Lebanon kasama ang kanilang pamilya ang naiuwi na sa Pilipinas simula noong Oktubre 2023 kung saan 430 sa kanila ay overseas Filipino workers.
Tiniyak naman ng opisyal na nakahanda ang pamahalaan sa pagtulong sa mga Pilipinong nais na umuwi sa bansa.
Ayon sa opisyal, makakatanggap ang mga marerepatriate na Pilipino ng kabuuang P150,000 na tulong pinansiyal mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration.
Maliban dito, magbibigay din ng assistance ang ibang ahensiya ng gobyerno gaya ng DSWD at TESDA.
Subalit para sa mga Pilipino nais na manatili sa Lebanon, pinayuhan ang mga ito na humingi ng tulong mula sa Embahada ng Pilipinas sa Beirut at Migrant Workers Office lalo na ang mga naninirahan sa may southern Lebanon na sentro ng tensiyon.
Samantala, iniulat ng DMW na walang napaulat na Pilipino na nasawi o nasugatan sa nagpapatuloy na conflict.