ILOILO CITY – Nananatili pa rin sa intensive care unit (ICU) ang dalawang overseas Filipino worker (OFW) na nadamay sa car crash sa Lucky Plaza mall sa Orchard Road sa Singapore.
Ang Lucky Plaza mall ay sikat na puntahan ng mga Filipino community sa Singapore.
Dalawa ang kaagad na binawian ng buhay matapos bumangga ang kotse sa metal railing sa Orchard Road at nalaglag sa katabing daan kung saan nakatayo ang mga biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bombo International Correspondent Mercy Saavedra Cacan direkta sa Singapore, sinabi nito na ang mga biktima ay pawang mga babae.
Sa ngayon patuloy na ginagamot sa Tan Tock Seng Hospital ang mga sugatang biktima.
Napag-alaman na kaarawan pa ng isa sa mga nasawing biktima at sa hindi inaasahan, nauwi sa trahedya ang kanyang selebrasyon.
Sa ngayon, minamadali na ang repatriation sa bangkay ng mga namatay na OFW sa tulong ng Philippine Embassy sa Singapore.
Kaagad namang inaresto ang 64-anyos na driver ng kotse ngunit nakalabas din matapos magbayad ng piyansa.