Nilinaw ng pamunuan ng Miss World Philippines Organization (MWPO) na ang mga kandidata pa rin mismo ang nagsilbing judge ng isa’t isa at nagkasundo ang mga ito na ilaban sa Miss Supranational 2021 si Dindi Pajares.
Ito’y kasunod ng awarding ceremony kahapon, kung saan iginawad ng MWPO national director na si Arnold Vegafria ang Miss Supranational Philippines title sa Bataan beauty.
“The judges are the candidates. Kayo rin ang mga judges, so I just want to let you know, to all the people watching now, the one who judged for… who chose our official candidate for Miss Supranational 2021, the judges are the candidates,” ani Vegafria.
Kabilang pa sa mga pinagpilian sina Candidate No. 38 Kathleen Paton, No. 11 Megan Deen Campbell, at ang “early favorite” na si No. 28 Ruffa Nava,
Gayunman, nangibabaw ang pagiging “frontrunner” ni Pajares.
Naging finalist siya ng dalawang fast-track challenges na Beauty with a Purpose kung saan siya ay Top 6, at Top Model Challenge kung saan naman siya ay pasok sa Top 10.
Napabilang din siya sa Top 10 Best in National Costume ng MWP.
Nabatid na ngayong Linggo, July 25, gaganapin dapat ang grand coronation night ng Miss World Philippines 2021 pero ipinagpaliban muna ng MWPO dahil sa banta ng mas nakakahawang Delta variant ng Coronavirus Disease.
Sa darating na August 8, ang bagong coronation night ng Miss World Philippines 2021 na tila sabay sa Miss Earth Philippines.
Pitong kandidata pa ang mag-uuwi ng korona kabilang ang Miss World Philippines 2021, Miss Eco Philippines 2021, Miss Eco Teen Philippines 2021, Miss Multinational Philippines 2021, Miss Philippines Tourism 2021, Miss Environment International Philippines 2021, at Reina Hispanoamericana Filipinas 2021.
Unang kandidata si Dindi na ipapadala ng Miss World Philippines Organization sa Miss Supranational pageant simula nang mapunta ang local franchise ng pageant na ito sa kanila.
Dati kasi itong nasa ilalim ng pamunuan ng Binibining Pilipinas kung saan tagumpay ang naging pambato ng bansa noong 2013 na si Mutya Datul.
Sa huling sabak ng Pilipinas sa Poland based pageant, nakaabot tayo hanggang Top 25 sa pamamagitan ni Resham Saeed noong 2019.