BAGUIO CITY – Nakahanda na ang lokal na pamahalaan ng La Trinidad, Benguet sa paggawa ng replica ng “biggest strawberry short cake” na kinilala ng Guinness World Record noong 2004.
Magiging highlight ang world-record giant strawberry cake sa pagdiriwang ng Strawberry Festival ng bayan ng La Trinidad na nagsimula na nitong Lunes at magtatapos sa Marso 29.
Maaalalang ang nasabing giant cake ay may bigat na mahigit 9,600 kilograms at may taas itong 1.5 meter at 2.5 meters ang haba nito at mahigit 10,000 katao ang kumain dito.
Ngayong taon ay gagayahin ang kaparehong sukat at bigat ng nagawang Giant Cake noong 2004.
Pangunahing magiging sangkap dito ang 225-kgs ng butter, 275-kgs ng fresh strawberries, 325-kgs ng asukal, 225-kgs ng fresh eggs, 175-kgs ng gatas at marami pang iba.
Nais ng lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Strawberry Festival ngayong taon ay makilala ang La Trinidad bilang Strawberry Capital of the Philippines.