-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nakahanda na ang replica ng Itim na Nazareno sa Barangay 2, Sta. Joaquina sa lungsod ng Laoag sa lalawigan ng Ilocos Norte para sa taunang traslacion.

Ayon kay Mrs. Minda Jacinto, may-ari ng replica ng Itim na Nazareno, malaki ang kanyang paniniwala na dahil sa Itim na Nazareno ay gumaling ang kanyang sakit na cancer at huminto ito sa pagda-dialysis.

Dahil dito aniya, naging tradisyon na niya ang pagdaraos ng taunang traslacion ng replica ng Itim na Nazareno.

Sabi niya na may padasal para sa replica ng Itim na Nazareno bukas, Enero 9 sa oras ng ala una at gaganapin naman ang prusisyon ng alas tres ng hapon sa parehong araw.

Ipinaliwanag niya na ang replica ng Itim na Nazareno ay iikot mula sa itinatag na Kapilya sa kanilang tahanan at ito ay aalis sa kahabaan ng P. Gomez Street, maglalakad sa Bacarra Road, dadaan sa Ilocos Norte Provincial Capitol, patungo sa Laoag City Hall hanggang sa makabalik ito sa kanilang tahanan.

Binanggit niya na lalahok din sa naturang aktibidad ang mga deboto mula pa sa ibang lugar tulad ng Isabela, Cagayan at Cavite.

Dagdag pa nito na aabot sa mahigit-kumulang na isang libong deboto ang inaasahang makikilahok sa taunang traslacion ng replica ng Itim na Nazareno.

Samantala, ito na ang ika-18 taong pagdaraos sa traslacion ng replica ng Itim na Nazareno sa lungsod ng Laoag.