Ipinaalala ng Office for Transportation Security (OTS) na hindi pinapayagan ang mga pasahero na magbitbit ng replikang baril kahit na hindi ito totoo sa mga paliparan.
Ginawa ang naturang pahayag matapos na maharang ang laruang baril mula sa isang pasahero na patungo ng Taipei sa Clark International Airport noong Mayo 8.
Ito ay isang laruang cap pistol na lumilikha ng simulation ng putok ng baril at usok.
Ayon kay OTS spokesperson Kim Marquez, ilang replikang baril ay mukhang harmless subalit kaya nitong makapag-discharge ng projectiles.
Ang mga nasabing devices na pareho ng kulay at itsura sa tunay na baril ay tiniturn-over sa PNP Aviation Security Group na nakaistasyon sa screening checkpoints.
Saka naman tutukuyin kung ito ay imitation lamang o kung kayang makapinsala at saka tutukuyin kung lumabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at pagdedesisyunan kung may pananagutan ang pasahero para sa kaso.
Kung hindi naman ito lumabag sa batas, ito ay kukumpiskahin pero papayagan ang pasahero na tumuloy sa kaniyang flight.