CEBU CITY – Ikinagalak ni Col. Royina Garma, ang Cebu Provincial Police Office (CPPO) director, ang pagkakatalaga sa kanya ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Col. Garma, pinasalamatan nito si Pangulong Duterte sa tiwala at kumpiyansa na ibinigay sa kanya at nangakong hindi niya ito sisirain.
Aniya, may mga plano na itong reporma at charity programs ng gobyerno.
Inamin din nitong may mga isyu sa korapsyon na hinaharap ang PCSO kaya pinag-aaralan niya kung papaano magiging “transparent” ang ahensya.
Kaugnay nito, inihayag ni Garma na pinag-aaralan niya ngayon na mabawasan o matanggal ang mga nasabing kontrobersiya.
Umaasa si Garma na magbibigay ng kooperasyon at suporta ang mga tao sa kanya bilang bagong pinuno ng PCSO kapalit ni retired Marine Maj. Gen. Alexander Balutan nang sa gayon ay matupad ng maayos ang mga programa ng ahensya.
Sa ngayon balak ni Garma na mag-avail ng early retirement upang gampanan ang mas mataas na puwesto sa administrasyon.
Samantala ang iiwan niyang Cebu provincial office ay mapupunta naman kay Col. Roderick Mariano.
Bago pa man naitalaga ang 5’2″ at 45-anyos na lady officer bilang top cop ng Cebu, siya ang naging unang female director ng Criminal Investigation and Detection Group sa Central Visayas (CIDG-7) noong 2017.
Si Garma, ay native ng Cagayan Valley at nasa 22 taon na sa active service.
Siya ay single mother kung saan ang kanyang anak na babae ay nakabase sa Davao City.
Hiwalay na siya sa kanyang dating mister na si Chief Inspector Roland Vilela na nasangkot noon sa rape case at sex scandal sa Davao.
Sinasabing ang malaking bahagi ng pagiging policewoman ni Garma ay kanyang naiukol sa Davao City habang nasa ilalim ang lugar ng noo’y mayor pa lamang na si Pangulong Duterte.
Sa panahong pagiging alkalde ay dito naging magkaibigan ang dalawa.
Si Garma ay unang na-assign sa police administrative office sa Davao City sa loob ng dalawang taon bago naging chief ng Anti Vice Office ng syudad.
Sumunod nito ay pinamunuan din niya ang Women and Children’s Protection Desk ng Davao sa loob ng limang taon.
Noong 2004 inilipat siya sa CIDG central office sa Metro Manila.
Nahirang din siya bilang chief of police ng Sasa police sa Davao City at bilang pinuno ng Sta. Ana police precinct na tinagurian noon bilang problem areas.
Si Col. Garma ay graduate ng Philippine National Police Academy noong 1997 at kabilang ito sa unang batch ng mga women police lieutenants ng akademya.
Sa tour of duty ni Garma sa lalawigan ng Cebu, naging sentro ng tampulan ang bangayan nila at batuhan ng alegasyon ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña.
Pero hindi nagpatinag ang babaeng police official dahil sa kumpiyansa sa kanya ng Pangulong Duterte.