Naniniwala raw si Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola na ang suspensyon sa pagpapadala ng mga overseas Filipino workers sa mga bansang may Kafala system ay hindi kaagad mangyayari.
Dahil na rin daw ito sa pagsusulong ng ilang estado sa Middle East sa labor reforms.
Lumabas ang pahayag na ito matapos sabihin ni Labor Secretary Silvestre Bello III na posibleng ikonsidera ng Pilipinas ang unti-unting pagsuspinde sa deployment ng mga OFWs sa mga bansa na patuloy pa ring gumagamit ng Kafala system.
Magugunita na nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang i-abolish o tanggalin ang naturang sistema.
Ayon kay Arriola, ang tunay na laman ng panawagan ng Pangulo ay dahil sa nagaganap na pang-aabuso sa mga OFWs dahil sa Kafala system, pero malabo pa raw na mangyari ito sa hinaharap dahil nakikita naman nila ang ibang bansa sa Middle East, partikular na ang Middle Gulf Cooperation Council (GCC) na nais din nitong wakasan ang Kafala system.
Umapela naman ang opisyal ng pasensya at supora mula sa publiko dahil hindi raw magiging madali ang gagawing proseso sa pagtatanggal ng sistema na halos ilang dekada nang ipinapatupad.
Ang Bahrain aniya ang unang nagpatupad ng labor reforms sa Kafala sa pamamagitan nang pagtatanggal sa exit visas.
Noong 2017 ay inilunsad ang Flexi-visa na nagbibigay pahintuloy sa mga migrants na maghanap ng trabaho kahit walang sponsor.
Ang Kafala system ay matagal nang ipinatutupad sa Middle Eastern countries. Ginagamit din ito para i-monitor ang mga migrant workers sa pamamagiyan ng kanilang mga sponsor.