Umaasa ngayon ang grupong Reform Philippine Sports (RPS) Movement na may ilalatag nang mga hakbang ang bagong pamunuan ng Philippine Olympic Committee (POC) upang muling pagandahin ang setup ng sports sa bansa.
Kahapon nang magwagi bilang bagong pangulo ng Olympic body ng Pilipinas si Cavite 7th District Rep. Abraham “Bambol” Tolentino matapos nitong talunin ang katunggaling si Athletics president Philip Ella Juico.
Sinabi ng lead convenor ng RPS Movement na si retired MGen. Charly Holganza sa panayam ng Bombo Radyo, kumpiyansa silang magagawa ni Tolentino na magpatupad ng mga pagbabago para ibangon ang Philippine sports na matagal na raw nasasadlak sa kahihiyan.
Kumpiyansa rin si Holganza na ngayong may bago nang liderato ang POC, magiging tuloy-tuloy na rin ang paghahanda para sa nakatakdang hosting ng bansa sa Southeast Asian (SEA) Games sa darating na Nobyembre.
Una rito, sinabi ni Tolentino na kanya raw ipagpapatuloy ang mga repormang sinimulan ni dating POC president Ricky Vargas.
Nanawagan din ang bagong POC chief ng pagkakaisa at tiwala rin itong matatapos na ang leadership crisis sa national Olympic body lalo pa’t nasa kalagitnaan sila ng preparasyon para sa SEA Games.