Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na dapat magpatupad ng reporma sa mga polisiya ang pamahalaan para mapanatiling mababa ang bayarin ng taumbayan sa kuryente sa ating bansa.
Isa aniya sa reporma na matagal na nitong isinusulong sa Energy Regulatory Commission (ERC) ay ang pagbabawas ng napakataas na 15% weighted average cost of capital (WACC).
Mula pa aniya noong 2015 ay nagbebenipisyo dito ang Meralco at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Sa oras na maitama umano ito, paniguradong mababawasan ang distribution at transmission charges na makakatulong para maibsan ang pasanin ng mga consumer.
Ipinunto din ng Senadora ang fraudulent na mga kontrata, kakapusan ng kuryente at pagkaantala ng transmission projects na direktang nakakaapekto sa mga consumer.
Aniya, dapat din na itama at bantayan ng ERC at Department of Energy (DOE) ang power supply agreements sa pagitan ng generation companies at distribution utilities.
Ipinunto din ng Senadora na ang panukalang pagpapataw ng value added tax sa kasalukyang mahal na singil ng kuryente ay lalong magpapabigat sa pasanin ng mga consumer sa buong kapulungan.
Ginawa ni Sen. Hontiveros ang pahayag kasunod ng anunsiyo ng Meralco na pagbaba ng singil sa kuryente ng P0.72 per kilowatt-hour para ngayong buwan ng Hulyo dahil nabawasan ang demand sa kuryente sa panahon ng tagulan at mababang generation charges.