BAGUIO CITY– Ipinagmamalki ng Philippine Military Academy (PMA) ang magandang epekto ng reporma ng akademya lalo na sa mga kadete.
Nadarama na ngayon ng mga kadete ang mga isinasagawang reporma ng akademya matapos ang kontrobersiyal na pagka-hazing ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio na nagresulta sa pagkamatay nito noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Capt. Cheryl Tindog, spokesperson ng PMA, sinabi niya na batay ito sa resulta ng isinagawang pag-aaral ng akademya hinggil sa epekto ng reporma na naipapatupad doon.
Ipinagmalaki niya na nakakatulog na nang maayos ang mga kadete, nakakapag-aral na nang mabuti at naoobserbahan ang wastong hygiene.
Dagdag niya na unti-unti na ring sumisigla ang komunikasyon o pakikiasalamuha ng mga kadete sa nga kapwa nila estudyante hindi tulad noon na tila takot silang makihalubilo sa mga tao.
Sinabi pa ni Tindog na palagi nilang pinaalalahanan ang mga kadete sa mga regulasyon at panuntunan ng akademya.
Ipinasigurado niya na gagawin ng administrasyon ng PMA ang lahat ng kanilang makakaya para sa ikabubuti nga mga kadete.