Negatibo ang report na may anim na barko, kung saan sasakay umano ang mga raliyesta mula Visayas at Mindanao.
Ito ang kinumpirma ni PNP Chief P/D/Gen. Ronald Dela Rosa nang kapanayamin ng mga media kanina.
Ayon kay Dela Rosa, batay sa isinagawang validation ng kanilang intelligence community, hindi totoo ang nasabing ulat.
Kahapon, sinabi ng pinuno ng pulisya na batay sa report na nakuha nila, may anim na barko ang nirentahan ng mga kritiko ng administrasyon para doon isakay ang mga na-recruit nilang mga indibidwal na lalahok sa malawakang protesta sa Metro Manila.
Pahayag ni Dela Rosa, pinuntahan ng PNP ang iba’t-ibang shipping companies para tanunigin ukol sa nasabing report.
Pero sa nakuhang impormasyon ng mga pulis, walang na-monitor na movement maski ang mga shipping lines.
Ayon sa mga kompaniya, normal ang volume ng mga pasaherong sakay ng kanilang mga barko, sa katunayan ang ibang barko ay hindi puno.
“Nagpunta kami sa mga shipping industries wala pong ganong movement ang volume ng mga passengers normal half filled o less than ang pasahero,” pahayag ni Dela Rosa.