-- Advertisements --

Isinumite na ng AFP Human Rights Office (AFPHRO) ang kanilang reprort tungkol sa mga paglabag sa karapatang pantao ng CPP-NPA NDF sa United Nations High Commissioner for Human Rights.

Ang nasabing report ng AFPHRO ay tinanggap ni Ms. Signe Poulsen, Representative to the Philippines ng Office of the High Commissioner for Human Rights, at Mr Gustavo Gonzales, UN Resident and Humanitarian Coordinator in the Philippines.


Nakalista sa report ang nasa 532 insidente ng karahasan na karamihan ay panunununog ng pribadong ari-arian na ginawa ng mga terroristang komunista mula 2010 hanggang sa kasalukuyan.

Magugunitang unang isinumite ng AFPHRO ang naturang report sa Commission on Human Rights noong January 7,2021.

Ayon kay Col. Joel Alejandro Nacnac, Chief ng AFPHRO, ang paulit ulit na paghahasik ng karahasan ng CPP-NPA-NDF ay nagpapakita ng “nationwide pattern” ng organisado, tuloy-tuloy at sistematikong plano na bahagi ng kanilang biolenteng armadong pakikibaka.

Sinabi ni Nacnac na inaasahan nila na lalaki pa ang bilang ng mga naitalang atrosidad ng mga terroristang komunista habang patuloy ang AFPHRO sa pangangalap ng impormasyon.

Sinabi ni Nacnac ,ang kanilang report ay maaring maging basehan ng pagsasampa ng kaukulang kaso ng paglabag sa International humanitarian law laban sa lokal na terroristang komunista.