BAGUIO CITY – Binalewala ng ama ng Baguio ang report ng UP OCTA Research Team kung saan nakasaad na isa ang lungsod ng Baguio sa mga top high risk areas ng COVID-19 sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso nito sa COVID-19 at mataas na critical care occupancy.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, nananatiling kontrolado ng LGU ang sitwasyon ng COVID-19 sa lungsod lalo pa at may mga ipinapatupad na epektibo at ibat-ibang control systems.
Aniya, bagaman totoong may outbreak ng COVID sa dalawang cluster sa lungsod noong nakaraang buwan, hindi naman ito nagresulta sa pagka-alarma ng Baguio.
Paliwanag niya, ito ay dahil mataas ang situational awareness at tama ang pag-manage ng LGU sa sitwasyon lalo pa at na-identify na ang mga lokasyon ng outbreak.
Ipinagmalaki niya na mataas ang testing capacity ng Baguio na umaabot na sa 16 percent at patuloy ang expanded o targeted testing kung saan higit na sa 59,000 na RT-PCR at 6,000 na antigen tests ang naisagawa kontra sa 370,000 na popolasyon ng lungsod.
Iginiit ng Contact Tracing Czar na may sapat na test kits at mataas ang contact tracing efficiency ratio ng Baguio na nagreresulta sa patuloy ding pagtaas ng mga kaso ng COVID sa lungsod.