LEGAZPI CITY – Bukas ang bagong talagang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) na pag-aralan ang mga hawak na impormasyon ni Vice President Leni Robredo sa anti-drug war.
Si Robredo ay una nang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang posisyon subalit sinibak din matapos lamang ang ilang araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) chairman Dante Jimenez, wala naman daw siyang nakikitang problema sa naturang posibilidad.
Aniya, maiging basahin ang ulat ni Robredo sakaling mabigyan siya ng kopya nito.
Samantala, hindi na rin bago sa problema sa iligal na droga si Jimenez na gaya ng pinaglilingkurang ahensya na tumututok sa katiwalian na laganap din sa buong bansa.
Pagtutuunan aniya ng pansin at aaksyunan umano ni Jimenez ang aspekto ng “supply and demand,” pagpapaigting ng papel ng law enforcement agencies at mga sangay ng pamahalaan sa usapin at pagsulong ng mas mabigat na parusa sa giyera kontra droga, partikular na ang death penalty.
Sa kabila ng bagong posisyon hindi naman bibitawan ni Jimenez ang pagiging chairman ng PACC.