Hinihintay lang daw ni Vice President Leni Robredo na matapos ang 2019 Southeast Asian (SEA) Games bago ilabas ang kanyang report kaugnay ng higit dalawang linggong panunungkulan bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
“Pinapatapos ko lang iyong SEA Games. Iyong report, soon. Very soon. Pagkatapos—hintayin lang natin matapos,” ani Robredo sa isang interview sa Quezon City.
Magugunitang inanunsyo ni Robredo ang paglalabas ng ulat sa bayan kasunod ng pagsibak sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa posisyon.
Ayon sa bise presidente, ilalahad niya ang kanyang nadiskubre kasabay ng paglalatag ng mga suhestyon para mapabuti ang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyon.
Una nang nagpahayag ng suporta si ICAD chair at Philippine Drug Enforcement Agency director general Aaron Aquino dahil naniniwala ito na makakatulong sa drug war ang ilalabas na report ni Robredo.