-- Advertisements --

DAVAO CITY – Sabay na nagpalabas ng official statement ang Department of Health (DOH)-11 at ang City Health Office ng lungsod ng Davao tungkol sa reported case ng meningococcemia sa isang pribadong ospital sa siyudad.

Inilabas ng DOH-11 at ng City Health Office ang pahayag bilang sagot sa balitang kumakalat sa social media tungkol sa pagkamatay ng isang apat na taong gulang na batang lalaki na nakitaan ng mga palatandaan at sintomas ng nasabing sakit.

Inihayag ng kagawaran na patuloy pa nilang iniimbestigahan ang nasabing report habang hinihintay ng ospital ang kumpirmasyon sa ipinadalang specimen ng pasyente upang masiguro na namatay ito dahil sa Meningococcemia.

Bilang precautionary measures, binigyan na ng ospital ng post exposure prophylaxis ang mga pasyente, mga miyembro ng pamilya at ang mga kaklase na nakahalubilo ng bata at ang mga emergency room staff na nag-asikaso sa pasyente.

Umapela naman ang DOH sa publiko na maging responsable sa pag-share ng post sa social media upang hindi magdulot ng pagka-alarma at pag-panic sa mga tao dahil sa hindi pa beripikadong impormasyon.