KALIBO, Aklan – Isinailalim sa inquest proceedings ang reporter ng isang radio station sa Boracay at kasama nito sa kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o resistance and disobedience to a person in authority or the agents of such person sa Sitio Lugutan, Brgy. Manocmanoc sa isla.
Nilabag umano ng suspek na si Johnny Ponce, 34, reporter ng Radyo Birada Boracay, isang local radio station sa isla, tubong New Washington, Aklan at pansamantalang naninirahan sa Sitio Bolabog, Brgy. Balabag, Boracay at angkas nito na si Joe Vincent Omanita, 27-anyos, isang gwardiya , residente ng Sibalom, Antique ang nakapaloob sa Executive Order No. 20 series of 2020 ukol sa mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa harap ng banta ng COVID-19 pandemic.
Base sa report, naispatan ng mga nagbabantay na pulis ang dalawang magka-angkas sa motorsiklo na isang paglabag sa social distancing.
Nang sitahin, naging arogante pa umano ang reporter na natuklasang lango sa alak sa kabila ng ipinapatupad na liquor ban.
Nakipaghabulan pa ito sa pulisya matapos na pinaharurot ang kanyang motorsiklo.
Kasalukuyan silang nakapiit sa lock-up cell ng Malay Police Station.