-- Advertisements --
Rex Cornelio
Rex Cornelio/ PNP Dumaguete FB image

BACOLOD CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pagpaslang sa radio reporter sa Barangay Daro, Dumaguete City, Negros Oriental, kagabi.

Kinilala ng Dumaguete City Police Station ang biktima na si Cornelio Pepino, 48.

Napag-alaman na katatapos lang ng radio program ng biktima at pauwi na sana ito sakay sa motorsiklo kasama ang kanyang asawa nang mangyari ang insidente.

Pinagbabaril si Pepino ng hindi pa nakikilalang lalaki na lulan ng motorsiko sa Villa Amada, North Road, dakong alas-8:30 kagabi.

Dinala sa Siliman University Medical Center ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Si Pepino ay tubong Barangay Boloc-Boloc, Sibulan, Negros Oriental at reporter/announcer sa DYMD Energy FM.

Si Pepino ang pangatlong journalist na pinatay sa Dumaguete sa mga nakalipas na dalawang taon.

Noong November 7, 2019, pinatay din si Dindo Generoso habang papunta sa kanyang trabaho kung saan tatlong mga suspek kabilang ang dalawang pulis ang inaresto kaugnay sa kaso.

Abril 30, 2018, pinatay din si Edmund Sestoso na dating chairman ng NUJP Dumaguete City chapter.