LEGAZPI CITY- Pursigido ang isang mamamahayag sa local radio station sa lalawigan ng Sorsogon na kasuhan ang bise alkalde ng Donsol matapos ang ginawang pananakit sa kaniya.
Ayon kay Mario Romero sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dalawang ulit siyang sinuntok ng naturang bise alkalde.
Pinabulaanan dito nito ang pahayag ng vice mayor ng Donsol na self defence ang nangyari dahil wala umano siyang matatandaan na ginawa niya na dapat ikagalit ng opisyal.
Wala rin aniya siyang matatandaan na pinagbantaan niya ang alkalde alinsunod sa mga pahayag nito.
Katunayan ay kakabalik lamang umano niya sa naturang bayan matapos ang halos tatlong buwan na hindi pagtungo sa lugar.
Kaugnay nito ay hinamon ni Romero ang naturang bise alkalde na patunayan at maglabas ng mga ebidensya sa mga akusasyon nito na nanghihingi siya ng pera sa mga politiko sa bayan ng Donsol.
Nanindigan ito na siya ang biktima sa insidente at kung totoo na nangongotong siya ay dapat na ipinaabot na ito sa mga otoridad.