-- Advertisements --

ROXAS CITY – Posible umanong may mga ‘special interest’ ang ilang kongresista sa tangkang pagpapatalsik kay House Speaker Alan Peter Cayetano bilang pinuno sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito ang inihayag ni Capiz 1st district Congressman Emmanuel ‘Tawi’ Billones Sr. nang makapanayam ng Bombo Radyo Roxas.

Partikular na tinukoy ng kongresista sina Representatives Isidro Ungab at Doy Leachon na posible umanong may espesyal na ninanais sa panahong mapatalsik si Cayetano sa posisyon at suportahan si Representative Lord Allan Velasco bilang bagong House Speaker.

Naniniwala naman si Billones na may mga indibidwal sa likod nina Velasco at Cayetano na may kani-kaniyang personal na hangarin kung kaya’t nag-ugat ito ng kudeta sa Kamara upang patalsikin si Cayetano.

Nabatid na mayroong term sharing agreement sina Cayetano at Velasco bilang House Speaker.

Sa naturang kasunduan ay unang uupo bilang House Speaker si Cayetano sa loob ng 15 buwan habang hahalili rito si Velasco sa loob ng susunod na 21 buwan.