-- Advertisements --

Nagkaroon ng balasahan sa Kamara sa gitna ng umuugong na balitang ouster plot laban kay Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa plenaryo ng Kamara nag-mosyon si Senior Deputy Majority Leader at Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla para sa nangyaring rigodon sa ilang chairmanships ng mga komite.

Pinalitan ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap si Davao City Rep. Isidro Ungab bilang chairman ng Appropriations Committee.

Si Abra Rep. Joseph Bernos naman ang siyang pumalit kay Yap sa nabakante nitong posisyon bilang chairman ng Committee on Games and Amusement.

Samantala, si Kabayan party-list Rep. Ron Salo naman ang siyang inihalal bilang bagong head contingent ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) matapos tanggalin si Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon.

Una rito, hinamon pa ni Leachon si Deputy Speaker LRay Villafuerte na pangalanan ang sinasabing 20 kongresistang inalok ng posisyon at budget allocations ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Habang si Ungab naman ang sinasabing nagsumbong kay Pangulong Rodrigo Duterte at Department of Budget and Management hinggil sa umano’y ilang bilyong pisong parked funds sa ilalim ng 2020 national budget.