-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patuloy pa rin umano ang pagmamatigas ni incumbent US President Donald Trump na hindi bumaba sa kaniyang puwesto at ilipat ang responsibilidad kay presumptive president Joe Biden.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bombo international correspondent Arjho Carino Turner ng Atlanta, Georgia at tubong, Polomolok, South Cotabato, dahil sa gawaing ito ni Trump, ay lalo pa niya umanong pinapahiya ang Republican party.

Ayon kay Turner, maging ang mga kaalyado na mismo ni Trump ay harapang sinasabihan na ang presidente na mag-concede sa kaniyang pwesto upang hindi mahirapan ang transition team ni Biden at presumptive vice president Kamala Harris.

Dagdag pa nito, isang malaking katibayan ang panalo ni Biden ang malaking lamang nito sa electoral at popular votes, kaya kung may hiya pa umanong natitira si Trump ay dapat inanunsyo na nito ang pormal na pagconcede sa pwesto.

Sinasabing ugat ng naturang aksyon ni Trump ay ang hindi makapaniwalang panalo ng mga Democrats sa Georgia, na isa sa mga itinuturing na swing state, dahilan na idinedemanda nito ang recount sa boto.

Nabatid na hanggang sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang ilang mga kilos-protesta ng mga supporters ni Trump, maging ang diskriminasyon lalo na sa mga imigrante sa Asya kung saan tinatawag na “China virus” kahit hindi nagmula sa China.