-- Advertisements --

Todo-papuri si Senator at Vice Presidential candidate JD Vance kay dating US Pres. Donald Trump sa kanyang naging mensahe sa nagpapatuloy na Republican National Convention.

Sa pinakaunang public speech mula nang mapili siya ni Trump bilang running mate sa nalalapit na November 2024 Presidential Elections, inalala ng Senador ang mga sakripisyo ni Trump sa unang termino niya bilang pangulo ng US.

Ayon kay Vance, si Trump ang isa sa pinaka-successfull na negosyante sa buong mundo bago pa man siya pumasok sa pulitika. Hawak aniya ni Trump ang lahat ng kanyang naisin sa buhay.

Pero sa halip na piliin ang tahimik na buhay sa pagnenegosyo, pinili umano niyang magsilbi, sa kabila ng pang-aabuso sa kanya, persecution, at paninirang-puri.

Hindi rin naiwasan ng Senador na gunitain ang tangkang pagpatay sa dating presidente.

Ayon kay Vance, kahit sa oras na muntik na siyang mamatay, walang ibang iniisip ang dating pangulo kundi ang mga mamamayan.

Inihalimbawa nito ang naging apela ni Trump na humihiling ng national unity at pagiging kalmado, ilang oras matapos ang tangkang pagpatay sa kanya.

Ito na ang ikatlong araw ng RNC mula nang simulan ito sa Milwaukee, isang araw matapos ang bigong assassination attempt kay Trump.