Inaasahan na muling ipagpapatuloy ang pag-uusap sa pagitan ng United States at Mexican officials sa layunin nitong iwasan ang ipapataw na pagtaas ng taripa sa mga produkto ng Mexico.
Ito ay kasunod ng bwelta ni US President Donald trump na hindi sapat ang progresong nakikita nito upang mabawasan ang illegal migration sa bansa matapos ang unang pagpupulong ng dalawang panig noong Miyerkules.
Pinamunuan ni Vice President Mike Pence ang pagpupulong noong Miyerkules kasama si Secretary of State Mike Pompeo at Mexican Foreign Minister Marcelo Ebrard upang ipaalam sa Mexico na kailangan pa nilang dagdagan ang kanilang pamamaraan upang matigil na ang iligal na pagpasok ng Central American migrants sa border.
Sa anunsyong inilabas ng Department of Homeland Security, pumalo na umano sa pinakamataas na bilang ng mga illegal migrants na nakakapasok sa border. Naitala noong May ang halos 138,887 apperehensions, kasama na rito ang 84,542 na matanda at bata na magkasamang nagpupunta sa bansa habang 11,507 kabataan naman ang naglalakbay mag-isa.
Samantala, nagbanta naman ang Republicans sa White House na handa umano silang kalabanin si Trump upang hindi matuloy ang pagpapataw nito ng mataas na taripa sa Mexico dahil ikinakabahala raw nila na sa oras na matuloy ito ay siguradong maaapektuhan din ang mga konsyumer sa kanilang bansa at posibleng matamaan din ang ekonomiya ng Estados Unidos.
Dagdag pa ng mga ito, nakasalalay din sa pagtaas ng taripa ang trade deal sa pagitan ng US, Mexico at Canada.
Sinabi ni Mexican Foreign Secretary Marcelo Ebrard na naging pokus umano ng diskusyon nila noong Miyerkules ang tungkol sa migration at hindi ang taripa. Aniya, positibo sila na may magandang kalalabasan ang pagpapatuloy ng pagpupulong.
Una na rito ay inanunsyo ni Trump na magiging epektibo na ang 5% dagdag sa taripa ng mga produkto ng Mexico sa darating na lunes at maaari pang tumaas ito hanggang 25%.
Karamihan sa mga migrante ay nagmula pa sa iba’t oibang panig ng mundo tulad ng Guatemala, Hondura at El Salvador.
Ayon naman sa administration officials, maaari namang maiwasan ng Mexico ang taripa kung sisiguraduhin lamang nila ang mahigpit na pagbabantay sa southern border ng Guatemala kung saan karamihan ng nagaganp na transaksyon ay may koneksyon sa iligal na pag-aangkat ng mga organisasyon.
Sa kabilang bansa, wala pang konkretong benchmarks o metrics na inilalatag ang Estados Unidos upang bantayan ang pagsisikap ng Mexico na pigilan ang pagdami ng migrants sa Central America. Hindi rin malinaw kung anu-anong proseso ba ang magpapasaya kay Trump pagdating sa nasabing usapin.
Patuloy naman ang paniniwala ng mga Republicans na gagawa sila ng paraan upang kahit papaano ay masubukan nitong bagalan ang kaagad na pagpapatupad ng pagtataas ng taripa.