Mismong mga kapartidong Republicans ni US President Donald Trump ang kumontra sa pahayag nito na ipagpaliban muna ang halalang pampanguluhan sa Nobyembre bunsod ng posibleng isyu ng pandaraya.
Ayon kay Senate Majority Leader Mitch McConnell, hindi pa raw kailanman nangyari sa kasaysayan ng Estados Unidos na na-delay ang kanilang eleksyon.
“Never in the history of this country, through wars, depressions and the Civil War, have we ever not had a federally scheduled election on time. We will find a way to do that again this November third,” wika ni McConnell.
Maging ang isa pang kaalyado ni Trump na si Sen. Lindsay Graham ay inihayag na hindi raw magandang ideya ang naging pahayag ni Trump.
Una nang sinabi ni Trump na ang binabalak na postal voting ay posible lamang magdulot ng malawakang pandaraya at maglabas ng maling resulta.
“I don’t want to delay, I want to have the election,” ani Trump. “But I also don’t want to have to wait for three months and then find out that the ballots are all missing and the election doesn’t mean anything.”
Giit ni Trump, dapat munang ipagpaliban ang eleksyon hanggang sa panahon na ligtas nang makakaboto ang mga mamamayan ng kanilang bansa.
“I don’t want to see a crooked election,” dagdag nito. “This election will be the most rigged election in history if that happens.”
Naging pahayag ito ng pangulo ng Amerika kasunod ng pagnanais ng maraming estado sa US na magsagawa na lamang ng postal voting dahil sa pangamba sa kaligtasan ng publiko dulot ng coronavirus pandemic. (BBC)