-- Advertisements --

Isiniwalat ng Department of Science and Technology (DOST) na hinihintay na lamang ng gobyerno ng Pilipinas ang pagsusumite ng requirements ng Bharat Biotech na nakabase sa Hyderabad, India para magsagawa ng clinical trials ng kanilang COVID-19 vaccine dito sa bansa.

Ayon kay DOST Sec. Fortunato dela Peña, hindi pa nakakapag-submit ng requirements ang nasabing Indian biotechnology company para sa clinical trials kahit na pumirma na ito ng Confidentiality Disclosure Agreement (CDA) sa pagitan ng Task Group on Vaccine Evaluation and Selection.

Sa ngayon, sinabi ng kalihim na tatlong vaccine developers na ang inaprubahan para isagawa sa Pilipinas ang kanilang Phase 3 clinical trial.

Ito ay ang Janssen Pharmaceuticals, Clover Biopharmaceuticals, at Sinovac.

Una rito, sa kanyang weekly report, inanunsyo ni Dela Pena na pumirma sa isang CDA ang Task Group on Vaccine Evaluation and Selection at ang German company na Curevac.

Dahil dito, umakyat na sa 12 ang kabuuang bilang ng mga CDAs na nalalagdaan kung saan kabilang na rito ang: Janssen, Sinovac Biotech, AstraZeneca, Gamaleya Research Institute, Sinopharm Group, Anhui Zhifei, University of Queensland, Adimmune Corporation, Academia Sinica, Tianyuan Biopharma, Bharat Biotech at CureVac.

Ani Dela Peña, 19 sa 25 vaccine developers na nakikipagtulungan sa Task Group ang naghayag ng interes na magsagawa ng clinical trials sa bansa.

Ang 25 vaccine developers ay galing sa 10 mga bansa: tig-anim sa China at Estados Unidos, tatlo sa Chinese Taipei, tigdadalawa sa Russia, Australia, at Germany; at tig-iisa sa India, Japan, United Kingdom, at Canada.