Nagkukumahog ngayon ang mga rescuers mula sa iba’t ibang mga bansa na maghanap ng mga survivors sa nangyaring malakas na lindol na tumama sa Albania, na nag-iwan ng 28 patay at 650 sugatan.
Gamit ang mga sniffer dogs, sinusuyod ng mga rescue teams mula sa Italy, Greece, Romania, France, Switzerland, Turkey, Serbia, Croatia, Montenegro, North Macedonia at Israel ang mga gumuhong establisimyento mahigit isang araw matapos ang magnitude-6.4 na pagyanig.
Puspusan din ang paghahanap ng mga Italian firefighters sa anim na katao na sinasabing nawawala sa Knet district ng Durres kung saan gumuho ang isang four-storey building.
Nagpadala na rin ang Kosovo ng kanilang police units sa Albania upang tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan sa naturang bansa.
Base sa mga ulat, karamihan sa mga patay ay naitala sa coastal city ng Durres at sa bayan ng Thumane, na malapit sa epicenter.
Nasa 20 rin umano ang natabunan ng debris sa nasabing mga lugar.
Ang naturang lindol ang pinakamalakas na bumulabog sa Albania sa loob ng ilang dekada. (BBC)