KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang ginagawang rescue operation sa lugar na tinamaan ng mudlslide sa siyudad ng Atami sa Shizuoka, Japan.
Ayon kay Bombo International Correspondent Johnny Sato Gallos ng Fuji City, Japan na umaabot sa mahigit sa 2,800 na kabahayan ang tinangay ng mudslide kung saan dalawang tao ang naitalang namatay habang 20 iba pa ang pinaghahanap.
Maliban dito, maraming pang mga residente ang dinala sa mga evacuation center.
Ani Gallos pahirapan ang ginagawang rescue operation dahil sa nagpapatuloy na malakas na ulan.
Ilang araw na umano ang nararanasang malakas na pag-ulan sa Pacific coast ng central at eastern Japan dahilan na lumambot ang lupa sa kabundukan.
Ito umano ang unang pagkakataon na may nangyaring mudslide sa Shizuoka Prefecture.
Dagdag pa ni Sato na inaalam na ng Embahada ng Pilipinas kung may Pinoy na kabilang sa mga nawawala sa nangyaring mudslide.