TUGUEGARAO CITY – Ilang residente ang nasa gitna ng baha sa Alacala, Cagayan, matapos na hindi agad na makalikas kasunod ng biglaang pagtaas ng tubig
Pahirapan ang ginagawang pag-rescue sa mga nasabing residente dahil hindi makapasok ang lahat ng uri ng sasakyan bunsod ng taas ng baha sa kalsada sa Barangay Pared.
Tanging gamit sa pag-rescue sa mga na-trap sa baha ay ang mga maliliit na bangka kaya hindi rin kayang sabay-sabay na isakay ang mga ito.
Maging ang ilang sundalo ng 17th Infantry Battalion ay hindi rin makatulong dahil maging sila ay na-trap din sa baha.
Ayon kay Lt Col. Jesus Pagala, hindi makalabas ang truck na gamit ng mga sundalo para sa rescue dahil sa mataas na tubig baha.
Sa bayan naman ng Santa Ana, tatlong bahay ang natabunan ng landslide.
Mabuti na lamang at agad na inilikas ang mga may-ari ng bahay bago pa man mangyari ang pagguho sa Barangay Rapuli.
Sa pinakahuling datus mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, mahigit sa 52,000 individuals mula sa 18 at 102 barangay ang apektado ng malawakang pagbaha.
Nagsasagawa na rin ng clearing operation ang Department of Public Works and Highways sa mga lansangan na nagkaroon ng landslides at mga naharangan ng mga sanga ng punong kahoy.
Samantala, may isang bangkay na ang narekober sa bayan ng Aparri.