LEGAZPI CITY – Naglagay na ang rescue team ng base camp malapit sa crash site ng Cessna 340A plane para sa pagbaba ng bangkay ng apat na pasahero.
Ayon kay Camalig Mayor Caloy Baldo, ito ang kanilang nabuong plano upang hindi na kailangan pang bumalik sa baba ang rescue team at mapabilis na ang operasyon.
Maglalagay ang mga ito ng lubid papunta sa taas ng Bulkang Mayon upang hindi gaanong mahirapan sa pagbaba ng bangkay ng mga biktima na kinilalang sina Captain Rufino James Crisostomo Jr., crew na si Joel Martin at Australian nationals na sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanan.
Nauna na ring humingi ng pag-unawa ang rescue team sa matagal na operasyon dahil kailangan umano ng ibayong pag-iingat dahil sa malambot ang lupa, habang may banta pa ng posibleng rockfall events at phreatic eruption mula sa Bulkang Mayon na nasa Alert level 2 pa.
Samantala sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tim Florece ang tagapagsalita ng Camalig LGU, target ng mga otoridad na maibaba na ngayong hapon o mamayang gabi ang bangkay ng mga biktima.
Subalit hindi pa rin nakatitiyak dahil na rin sa mapanganib na sitwasyon sa taas ng Bulkan.
Naka-standby naman sa paanan ng bulkang ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection Special Rescue Force, Calabanga MPS, Pili MPS, Naga CPS at iba pang mga ahensya ng gobyerno para sa pagbibigay ng seguridad.