-- Advertisements --

KALIBO, Aklan–Nagpapatuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng mga otoridad sa Turkey matapos ang pagtama ng dalawang malalakas na lindol.

Unang naramdaman ang magnitude 7.8 na lindol bandang alas-4:00 ng madaling araw sa Southeastern part ng bansa at sinundan naman ng magnitude 7.6 bandang ala-1:00 ng hapon sa Central part.

Ipinahayag ni Bombo International Correspondent Weng Timoteo, Vice President ng Filipino Community sa Istanbul, Turkey na nahihirapan sa ngayon ang rescue team sa pagpasok sa mga apektadong lugar dahil maraming mga gusali, ospital at kalsada ang nasira.

Dagdag na pahirap rin sa mga rescuer ang masyadong malamig na temperatura dulot ng winter season at patuloy na mga aftershock.

Aminado si Timoteo na maraming tao pa ang hindi nare-rescue matapos matambakan ng mga debris.

Napag-alaman na umaabot na sa mahigit 3,000 katao ang namatay at inaasahang madadagdagan pa sa paglipas ng mga oras habang halos 10,000 naman ang naitalang nasugatan.

Sa kabila nito, wala pa namang naitatalang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasaktan sa malakas na lindol.