-- Advertisements --

Tuluy-tuloy ang isinasagawang rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Ulysses.

Sa pahayag ng PCG, sa pinakahuling datos ay nasa kabuuang 31 rescue teams kabilang ang 248 personnel ang naka-deploy sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya tulad ng Rizal at Cavite.

Dala rin ng mga nakatalagang rescue team ang 10 rubber boats, anim na aluminum boats, 11 multipurpose vehicles, at tatlong truck.

Nananatili namang naka-standby sa PCG National Headquarters ang limang teams sakaling kailanganin pa ng karagdagang tulong sa evacuation at rescue operations.

Samantala, idineploy na rin kaninang hapon ng Coast Guard Aviation Force ang isang BN Islander plane upang magsagawa ng aerial surveillance sa lalawigan ng Rizal, and Caloocan, Marikina, Navotas at Valenzuela (CaMaNaVa).

Ang naturang inisyatibo ay naglalayong makatulong sa nagpapatuloy na rescue operations at malaman ang lawak ng pagbaha sa mga naapektuhang lugar.

Kasabay nito, idineploy na rin ng coast guard ang dalawang airbus light twin engine helicopters upang magsagawa ng aerial rescue operation.