-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patuloy na umaasa ang mga iba’t-ibang rescue teams na makakasalba pa sila na buhay sa mga nawawalang residente mula sa gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga matapos ang magnitude 6.1 na lindol.

Ayon kay Major Ericson Bolusan, tagapagsilita ng Northern Luzon Command ng Philippine Army, mahalaga ang bawat minuto kaya’t 24 oras nilang isinasagawa ang retrieval and rescue operation.

Sa rekord umano nila ay mayroon pang 80 na nawawala sa bayan lamang ng Porac sa naturang lalawigan.

Maingat aniya ang kanilang bawat galaw dahil kung minsan ay gumagalaw ang mga nasirang parte ng nasabing supermarket.

Sinabi nito na tulong-tulong ang mga iba-‘t-ibang hanay ng militar at mga ahensya, at kahapon ay dumating ang mga commander para hikayatin pa lalo ang mga kasapi ng Philippine Army na huwag mapagod sa pagliligtas ng mga naging biktima.

Samantala, sinabi ni Bolusan na kahapon ay binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang burol ng mga namatay na biktima at kinausap ang kanilang pamilya.