-- Advertisements --

Hindi kumbensido ang IBON Foundation sa resulta ng pinakahuling data ng Philippine Statistics Authority (PSA) ukol sa poverty incidence sa bansa.

Para sa Head of Research ng IBON Foundation na si Dir. Rosario Bella Guzman, “unrealistic” ang pamantayan na sinusunod ng PSA at National Economic Development Authority (NEDA) kaya bumaba sa 21 percent ang poverty incidence sa mga Pilipino sa unang semester ng 2018.

Hindi naman aniya kasi sumasalamin ang pamantayang ginagamit ng PSA at NEDA sa tunay na poverty line o pamumuhay ng isang Pilipino dahil masyado itong mababa.

Sa taya ng PSA, ang food threshold ng isang Pilipino ay nasa P7,337 kada buwan.

Nangangahulugan ito na sa isang araw, ang pamilya na mayroong limang miyembro ay nangangailangan ng P244.57 o P48.91 para makakain sa isang araw.

Para naman sa poverty threshold, ang isang pamilya na may limang miyembro ay kailangan na mayroong P10,481 para mapunan ang kanilang basic food at non-food needs sa loob ng isang buwan.

Pero para sa IBON Foundation, humigit kumulang P30,000 ang kailangan ng isang pamilya na may limang miyembro para mamuhay ng disente araw-araw.