Naniniwala ang research company na BMI Country Risk & Industry Research na mas magbibigay benepisyo sa Vietnam ang Executive Order 62 ni PBBM.
Maalalang ang naturang EO ang nagbabawas sa taripa ng imported na bigas sa Pilipinas na inaasahang magiging epektibo sa Hulyo-6.
Ayon sa research group, tiyak na lalo pang tataas ang papasok na volume ng bigas sa Pilipinas kapag tuluyan nang naging epektibo ito at magamit na ng mga rice export companies mula sa ibang mga bansa.
Kung titingnan umano sa kasalukuyang datos, mas makikinabang dito ang Vietnam na siyang pinakamalaking exporter ng bigas sa Pilipinas.
Naniniwala ang grupo na ang pagpasok at pagpapatupad sa EO 62 ni PBBM ay magreresulta sa pagtaas ng presyo ng bigas sa international market dahil sa siguradong tataas ang demand ng bigas sa Vietnam at iba pang mga rice-exporting countries.
Ang naturang demand ay maaring mangagaling din sa ibang mga bansa na umaangkat din ng bigas.
Bagaman naniniwala ang grupo na mapapababa nito ang presyuhan ng bigas sa Pilipinas, maaaring hindi gaano at hindi kaagad mararamdaman ang epekto nito.
Maalalang una nang sinabi ng USDA na maaaring papalo sa 4.7 million metriko tonelada ng bigas ang aangkatin ng Pilipinas ngayong taon, daan upang mapanatili nito ang posisyon bilang top-importer ng bigas sa buong mundo.
Ngayong taon, target ng DA na makaani ng hanggang sa 13.7 million metriko tonelada ng bigas. Ito ay katumbas ng 0.4 million MT ng palay.