-- Advertisements --

VIGAN CITY – Sinimulan na umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang research o pag-aaral sa medical marijuana na may kaugnayan sa panukalang pagsasabatas ng paggamit nito sa bansa.

Sa mensahe sa Bombo Radyo Vigan ni PDEA spokesman Dir. Derrick Carreon, sinabi nito na ang magiging resulta umano ng nasabing pag-aaral ay magagamit ng mga kongresista at senador kung maaprubahan na ang nasabing panukala.

Maaalala na noong 17th Congress ay inaprubahan ng Kamara ang panukala hinggil sa paggamit ng medical marijuana ngunit bigo itong maaprubahan ng Senado kaya muli itong naihain noong Lunes para sa papalapit na pagbubukas ng 18th Congress.

Sakop ng nasabing panukala ang paggamit ng medical marijuana para sa paggamot sa mga malalalang sakit lamang.

Maliban pa rito, nakapaloob din sa nasabing panukala na mayroong ipapatayong Medical Cannabis Compassionate Centers na siyang bahala sa pagbebenta o distribution ng medical marijuana para sa mga kwalipikadong pasyente.

Una nang sinabi noon ni Senate Presidente Tito Sotto na hindi na kailangan pa ang naturang panukala dahil pinapayagan naman ito sa mga extreme cases batay sa mahigpit na panuntunan.