Naglayag ang research vessel ng China at dumaan sa may Itbayat at Basco Batanes bago namalagi sa bisinidad ng baybayin ng Catanduanes ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Base ito sa monitoring ng ahensiya sa pamamagitan ng kanilang automatic identification system.
Ayon kay PCG spokesperson for the West PH Sea Commodore Jay Tarriela, sa nakalap nilang impormasyon, umalis ang naturang Chinese research vessel mula sa Shenzhen Port noong Abil 13 at dumaan sa itbayat at Basco batanes noong Abril 22.
Saka ito nagtungo sa katimugang bahagi sa loob ng 11 nautical miles ng baybayin ng Mapanas, Northern Samar noong Abril 25. Pagkatapos ay muli itong naglayag pa-Hilaga hanggang sa makarating sa katubigan ng Catanduanes kung saan na-monitor ito ng Armed Forces of the Philippines.
Nauna ng iniulat ng AFP na namataan ang naturang research vessel na Shen Kuo sa may bayan ng Viga sa Catanduanes noong araw ng Sabado.
Nitong hapon naman ng Linggo, sinabi ni Comm. Tarriela na mabagal na kumilos ang Shen Khuo vessel na tinatayang nasa 78 nautical miles northeast ng bayan ng Mapanas sa Northern Samar.
Ito ang ikalawang pagkakataon na may namataang research vessel ng China sa silangang bahagi ng bansa kung nasaan ang Benham rise na mayaman sa mineral at natural gas deposits.